COVID-19 Updates on Status and Protocols for Brgy. Officials
Published: August 02, 2021 05:00 PM
Nagpatawag ng emergency meeting sa mga opisyal ng barangay si Punong Lungsod Kokoy Salvador nitong hapon, August 2, sa PAG-ASA Sports Complex bilang paghahanda sa ipatutupad na paghihigpit ng Nueva Ecija Multi-Sectoral & Inter-Agency Task Force on the Control and Management of COVID-19 (NE-IATF), mula August 6 hanggang 20.
Sa Resolution No. 2, s.2021 na inilabas ng NE-IATF, itinakda ang paglalagay ng control/ check points sa lahat ng border ng probinsya kung saan dumaraan ang mga biyahero.
Ayon sa resolusyon, hahanapin ang alin man sa mga sumusunod na dokumento sa bawat taong papasok sa probinsya:
• Negatibong resulta ng antigen, saliva o RT-PCR test na ginawa sa nakalipas na 72 oras bago ang pagpasok sa border ng probinsya.
• Valid IATF APOR ID/pass
• COVID-19 vaccination card na nagpapakita na fully-vaccinated na ang may hawak nito; at ng pagkakakilanlan. (Itinuturing na fully-vaccinated ang isang tao kung nakalipas na ang 2 linggo matapos ang kanyang huling bakuna.)
Binigyang diin ni Mayor Kokoy sa pagpupulong ang kahalagahan ng papel ng mga opisyal ng barangay upang maipatupad nang maayos ang resolusyong ito. Sa unang resolusyon na inilabas ng NE-IATF, nakasaad din ang mahigpit na pagbabawal sa mass gathering na lalagpas sa sampung tao.
Ayon kay Dr. Rizza Esguerra, co-chairman ng San Jose City COVID-19 Task Force, mas dobleng pag-iingat ang kailangang gawin dahil mabilis kumalat ang Delta variant. Dagdag pa niya, kailangan i-monitor ng mga barangay health workers (BHW) ang mga umuuwi sa kani-kanilang barangay mula sa ibang lugar, maging ang mga sumasailalaim sa strict home isolation o quarantine.
Tinalakay din ang pagdami ng dengue cases sa lungsod ngayong panahon ng tag-ulan, matapos mapabalitang nagkakaroon ng kakulangan sa mga silid sa ospital dahil sa pagdagsa ng mga pasyenteng tinatamaan ng sakit na ito. Ipinaalala ni J. E. Dizon, Sanitation Officer ng City Health Office, ang kahalagahan ng “4S” laban sa dengue, partikular na ang “search & destroy” kung saan dapat hinahanap at sinisira ang mga binabahayan at iniitlugan ng mga lamok, tulad ng mga nakaimbak na tubig, sirang gulong, at iba pa.
Nagpaalala naman si PNP San Jose City Chief Criselda de Guzman tungkol sa mga checkpoint na ilalagay sa bawat border ng probinsya. Aniya, mahalagang maabisuhan ng mga opisyal ng barangay ang kanilang mga nasasakupan upang maiwasan ang kalituhan at pagkakagulo sa mga border.