News »


Pagbubukas ng LGU Sports Fest, naging makulay

Published: September 26, 2018 01:52 PM



Opisyal nang inumpisahan ang taunang LGU Sports Fest kamakailan, Setyembre 24 kung saan tampok ang mga empleyado mula sa iba’t ibang departmento ng Pamahalaang Lokal.

Naging makulay at engrande ang pagbubukas ng Sports Fest na sinimulan sa pamamagitan ng inter-color parade na binubuo ng blue, green, red, yellow at white team.

Matapos ang parada mula City Social Circle hanggang Pag-asa Sports Complex, ipinakilala ang Mr. & Miss LGU Sports Fest 2018 candidates kung saan rumampa ang mga naggagandahan at naggwagwapuhang pambato ng bawat grupo.

Kaugnay nito, nasungkit nina Kim Justine dela Cruz ng Green Team at Dorelin Manalang ng Yellow Team ang special award na Best in Sportswear. Gaganapin naman ang pageant sa closing ceremony.

Samantala, lalo pang naging kapana-panabik ang programa nang simulan ang cheerdance competition.

Makapigil hiningang stunts at malikhaing routines ang ipinakita ng limang koponan, pero sa huli ay pinaka-pumatok ang wedding-themed performance ng White Team na nagpakilig sa mga manonood at tinanghal na kampeon sa taong ito.

Nakuha naman ng Blue Team ang ikalawang puwesto, sumunod ang Red, Yellow, at Green Team.

Dagdag pa rito, naging mainit ang tapatan ng Red Team kontra White Team sa opening game ng Basketball kung saan panalo ang White Team sa iskor na 79-71.

Magpapatuloy naman ang Sports Fest hanggang sa buwan ng Oktubre.